pulutan

naranasan mo na bang mapulutan?

"aaah, ikaw siguro 'yun..." nang ma-realize ko kung saan nag-krus ang buhay namin ni brad.

pangalawang beses pa lang naming nagkita ni brad. nakuha daw nya ang number ko sa pic-link, ang website na tambayan ng mga mauulag sa kaharian ng disyertong langis. nagkakontakan kami minsan, tapos eyeball.

matangkad sya, malaki ang katawan, may makapal na bigote, may asawa at mga anak na nasa Pilipinas. beterano na sa buhay pero pitong taon pa lang sa Saudi. nang magkatuntunan, mayroon pala kaming common circle of friends na nag-i-intersect doon sa isang flat na tinawag kong "bahay-aliwan" - ang bahay na iniiwasan namin pareho dahil laging may inuman at tambayan ng mga magsauding-irog (mga mag-asawa na hanggang Saudi lang kasi parehong may mga asawa't anak sa Pinas).

"anong ako 'yun?" defensive agad ang tono ni brad. in other words, praning.

"yung tropa nila na nanghahalik ng lalaki pag lasing..."

"ako?" nagtaas na sya ng boses, nanliit naman ako sa kinauupuan.

"kris aquino ka na naman..." singit ng little red sa isip ko. kaso di na pwedeng i-erase, nasabi ko na.

"meron pa bang ibang brad sa tropa ninyo?" tanong ko na lang ulit.

"wala, ako lang..." sagot nya, parang nag-iisip.

"sinong nagsabi nun, huh?" balik nya ulit... magiit, namimilit...

"e di yung mga tambay sa bahay-aliwan," paliwanag ko. dalawang beses lang akong sumama sa bahay-aliwan at hindi na ako umulit dahil hindi ako talaga umiinom. sa dalawang beses na 'yon, hindi ko nakaharap si brad.

natandaan ko pa ang eksaktong sinabi ng isang kainuman noon sa bahay-aliwan: "si brad nga, nanghahalik ng lalaki kapag nalalasing..." komentaryo iyon habang kinakantahan ng bisita na halatang nasa ikatlong bakod ang isang gwaping na kainuman.

"pinupulutan na pala ako, hindi ko alam..." sabi pa ni brad, dismayado.

naghiwalay kami ni brad ng gabing 'yon na may nakabiting tanong.

pagdating ko sa bahay, inurirat ko agad si roomie at si flatmate. na-confirm ang kuwento ko dahil alam din nila iyon. me dagdag pa si roomie.

nakasama daw nila si brad sa isa pang overnight gimik na pwedeng magswimming. sabi daw ng isang tropa, "huwag na kayong mahiya, lalaki naman tayong lahat dito."

sagot naman daw ni don, kasamahan ni brad: "yung isa dyan, hindi," sabay turo daw kay brad na nakahiwalay sa grupong suma-shot.

ayon kay don, may boyfriend daw si brad. may nakuha daw na loveletter mula kay brad na ang sabi, kaya daw nyang hiwalayan ang kanyang misis para sa boyfriend.

"pwede naman syang gumawa ng milagro," paliwanag pa daw ni don. "huwag na lang mag-iwan ng ebidensya. e kaso, me pagawa-gawa pa ng loveletter, nalaman tuloy ng buong opisina."

natandaan ko na din ang kwentong iyon doon mismo sa bahay-aliwan. paliwanag 'yun ni don, pagkatapos ng linyang "si brad nga, nanghahalik ng lalaki kapag nalalasing..."

tinawagan ko si brad kinabukasan. kinuwento ko ang nalaman ko. nagwawala ang mokong! hindi daw sya bakla! ginagawan ko daw sya ng kwento.

"nagkamali kaya ako ng pakikipagkaibigan sa 'yo?" tanong pa nya.

aray ko! ako pa ang napasama!

"ano namang makukuha ko sa paggawa ko ng kwento?"

di na sya sumagot hanggang ibinaba na nya ang telepono.

naintindihan ko ang panggagalaiti ni brad. sino ba naman ang matutuwa kapag pinupulutan ka ng mga itinuturing mong kaibigan. pero obvious naman na defensive sya. in the first place bakit nandun sya sa pic-link.

pero bakla man o hindi si brad, hindi iyon ang mahalaga sa akin. dahil tulad nya, alam kong sa buong buhay ko, pinupulutan din ako ng mga kaibigan, kaklase, kasamahan sa trabaho, katropa at kakilala. kaya nga dito sa blog na ito, ako naman ngayon ang magkukwento. mwahahahahahaha! (evil laugh!)

seriously, inaamin kong nagkamali ako sa pagkukwento sa kanya ng nalaman ko. pero sinabi ko sa kanya 'yun out of concern. masama ba 'yon?

0 comments: